Tinakbuhan ng Driver ang Nabundol Niyang Dalaga, Hindi Niya Akalain na Ganito Siya Sisingilin ng Karma


Isang driver ng airconditioned bus si Richard, pa-SM North ang byahe niya araw araw. Alas kwatro pa lang ng madaling araw ay nagsisimula na siyang bumyahe at alas otso naman ng gabi kung siya’y gumarahe.


Ginabi siya isang beses, 8:30 na ay pabalik pa lang siya ng bus station para gumarahe, wala na siyang sakay at ang kanyang kundoktor naman ay ibinaba na niya sa isa nilang opisina dahil doon ito mag reremit ng kinita nila buong araw. Pagud na pagod na siya at dala marahil ng kagustuhang umuwi, ay mabilis na niyang pinatakbo ang bus. Malapit lamang ang bus station sa kanilang tahanan. Nasa may bandang Sta.Cruz na siya, ngunit dahil inaantok na ay hindi niya sinasadyang mabundol ang isang babaeng naka bisikleta. Nanlamig ang buong katawan ni Richard.

Hindi niya maisip kung ano ang tamang gawin, hindi niya makita ang babae dahil hindi pa tumatayo ito at masyadong mataas ang bus. Natatakot siyang bumaba, wala siyang pambayad pampaospital nito. Ayaw niyang makulong, mayroon pa siyang pinapaaral na mga anak at ang panganay niya ay nasa ikatlong taon na sa kolehiyo. Kapag nakulong siya ay kawawa ang mga anak.

Lumingon sa paligid si Richard at walang ibang tao. Nag antanda muna siya bago muling sinindihan ang makina ng bus, at pinaharurot ito. Naramdaman niyang muling nagulungan ang babae, patawarin siya ng Diyos.

Pagkagarahe ni Richard ay hindi muna siya umuwi. Nanatili siya sa parke para kumalma, hanggang ngayon ay napakalakas ng tibok ng puso niya, nanginginig ang braso at hapung hapo siya,paano kung matunton siya sa CCTV? Hindi na siya nakapagtext o nakatawag sa misis niya dahil naiwan niya sa bus ang cellphone dahil na rin siguro okupado ang kanyang isip. Makalipas ang dalawang oras ay napagpasyahan niya nang umuwi.

Sinalubong siya ng anak niyang lalaki, si Jonathan.

“Tay! si ate Jonalyn nasa ospital!” humahangos na sabi nito, hindi na siya nakasagot dahil sa taranta na marahil, tumakbo na sila ni Jonathan sa sakayan ng tricycle.

Ano kaya ang nangyari sa panganay niya? Sinumpong nanaman kaya ng hika? Diyos ko po, iligtas sana ang panganay niya kahit makasalanan siya. Walang ginawang masama ang bata, mabait na anak si Jonalyn.

Pagdating sa ospital ay nakita niya sa isang tabi ang misis, tulala. Yakap ito ng pinsan nitong si Linda.
“Kuya, wala na si Jonalyn, dead on arrival ang bata.” mahinang sabi ng pinsan nila.
Parang nabingi naman si Richard, paanong…?

Napabayaan ba ito? Hindi ba isinugod agad? Ang nebulizer nito, hindi ba’t lagi naman siyang bumibili ng gamot.. ang spray?

“Hayop siya!” emosyonal na sigaw ng kanyang misis.

“Anong…paanong…” hingal na hingal at hindi niya matapos ang sasabihin, napakasakit ng kanyang dibdib. Ang prinsesa niya, anong nangyari?


Nagpaliwanag ang kanilang pinsan, “Kuya, sosorpresahin ka sana ni Jona kaya nag-bike papuntang bus station, sasabayan ka raw niya pag uwi mo. Nabundol siya, at tinakbuhan ng driver.Ilang oras siyang nakahandusay at doon na binawian ng buhay dahil walang ibang nakakita.

May dumaan na vendor ng candy at ito ang humingi ng tulong pero wala na, malamig na ang katawan ni Jona. Hindi na namin alam kung sino ang driver.”

Pero alam ni Richard kung sino ang driver. Alam na alam niya.

At gumuho ang mundo niya.

No comments:

Powered by Blogger.